Thursday

Are we really worth dying for?

Tama nga bang namatay ka?

Nakakalungkot isipin, na ang henerasyong higit na nakinabang sa kanyang pagkamatay, ang siya mismong makakalimot kung bakit nga ba nagbuwis ng buhay ang lalaking naalala na lamang bilang "nakahalumbaba sa P500" at "Ama ni Kris".

Nakakahiya man ito, subalit ang katotohanan ay tunay na nakaririmarim. Tila totoo na natatabunan ng paglipas ng panahon ang mga kasalanan ng nakalipas, ang mga pangyayari ng nakaraan at ang mga alaala ng sinaunang panahon. Tila magagaya narin si Ninoy kina Andres, Jose, Melchora at Emilio, na dinaraanan natin sa mga pampublikong bantayog at plasa, hindi pinapansin at tila walang nais umalala sa kanilang kabayanihan. Sabi nila, madaling makalimot daw ang mga Pilipino.

Mukhang totoo. Totoong totoo! Balikan natin ang nakaraan.

Noong dumating ang mga Kastila sa ating bansa, dumaong sila sa ating bansa dala ang alindog ng relihiyon, sa likod ng bangis ng baril. Subalit, bukas kamay pa rin natin silang tinanggap. Nilapastangan ang ating kalayaan, kinamkam ang ating likas yaman, binastardo ang ating kasaysayan at kinaumbabawan ang ating lahi't pagkakakilanlan, pero lubos pa rin nating niyakap ang kanilang pananamantala. May mangilan-ngilang nangahas na lumaban, pero kapwa Pilipino rin ang pumuksa dito. Ginamit lamang ng mga Kastila ang pagkakawatak-watak ng ating salita laban sa ating kapwa mga api.

Pero, lahat ng bagay ay may sukdulan. Nang ibintang sa tatlong paring martir ang sisi dahil sa isang hindi matagumpay na pag-aalsa ng mga sundalo sa Fuerza San Felipe ng Cavite, unti unting nabuhay ang makabayang damdamin ng mga Pilipino. Sa pagkamatay ng GOM-BUR-ZA, sumobra na ang mga mapaniil na Kastila at ito ang naging binhi para sa mas malawak na Himagsikan ng Bayang Pilipinas. Papalakas, papalawak at papalaban! Tuloy tuloy ang pagkapanalo ng ating mga mandirigma.

Pero dahil sa pagtataksil ng ilan at ang hindi magkaparehong adhikain ng mga masa at ilustrado, humina ang lakas ng ating panawagan. Nagbunsod ito sa sunod sunod ang pagkatalo ng ating mga puwersa. Dahil dito, pumayag ang mga oportunistang pinuno ng Rebolusyon na makipagkasundo sa mga dayuhan at magbaba ng armas. Sila ay ipinatapon sa Hong Kong bilang kaseguruhan na hindi na muli mag-aaklas ang mga Pilipino. Ayon sa ating mga lider, ito raw ang magiging daan para mas umunlad ang mga mahihirap sa ating bayan. Maganda sana ang kanilang kagustuhan, subalit hindi nila isiniwalat na ang kapalit ng kanilang pagsuko ay ang kaseguruhan na hindi kukunin sa kanila ang mga malalaking lupain na kanila ngayo'y pinagkakakitaan.

Ganyan din ang nangyari noong ang mga Amerikano naman ang ating mga nakasagupa. Sa pamamagitan ng pangako na tutulungan tayo laban sa mga Kastila, naniwala tayo silang aakay sa atin tungo sa matimyas na kalayaan. Sa una'y binigyan pa tayo ng armas para panlaban sa mga Kastila. Huli na ng malaman natin ang kanilang panlilinlang at ang usapan sa pagitan ng dalawang konkistedor. Manifest Destiny ang isinagot nila sa ating hangaring busilak tungo sa ganap na kalayaan. Iniatas nila sa kanilang sarili na ililigtas daw tayo sa kamangmangan at bibigyan daw tayo ng sibilisasyon. Kailangan daw nila tayong "i-Christianize", ito ay kahit tayo ang isa sa pinakamalaking bansang Katoliko sa Asya. Dahas at edukasyon ang naging paraan nila para makuha tayo madagit muli sa kuko ng pagka-alipin.

Dahil dito, nagbuhat na naman ng armas ang Pilipino. Subalit, hindi ito sinuportahan ng mga ilustrado. Nakipagkasundo at tumanggap ng posisyon sa pamahalaang itinatag ng mga bagong manunupil. At nang mahuli si Emilio Aguinaldo, sumuko siya at sumumpa ng katapatan sa bansang Amerika. Sa kalaunan, unti-unti na ring sumuko ang ating mga kababayan na lumaban, at tahimik na tinanggap na lamang ang pamumuno sa kanila ng mga Amerikano. 

Pumayag tayong magpasailalim sa mga Amerikano. At dahil tayo ay isang kolonya ng bansang Estados Unidos, sinugod tayo ng mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Buong giting na lumaban ang sundalong Pilipino at Amerikano. Naging banyag ang mga lugar na Bataan at Corregidor bilang bantayog ng kalayaan sa Asya. At ng matapos ang giyerang wala naman tayong kinalaman, halos kalahating milyon ang namatay, at milyon-milyon pa ang naghirap dahil sa kaganapan. Ang Maynila ang pangalawang pinaka-nasirang Capital City pagkatapos ng Warsaw, Poland. At ang ating bayan ay bumalik muli sa umpisa ng kawalan.

Sa hinaba-haba ng aking isinulat, isa lamang ang aking katanungan... "Naalala mo ba ang mga kaganapang ito???"

Kung hindi mo na ito naalala, maari nga ito sapagkat medyo matagal tagal na rin ang mga kaganapang ito. Kung ikaw ay hindi rin nakapagtapos ng pag-aaral, o kaya man ay walang hilig sa pagbabasa tungkol sa kasaysayan ng ating bansa noong ikaw ay nasa paaralan pa. Malamang ay katuwiran mo lagi ay hindi ka pa naman pinanganganak noong nangyari iyan, at patay na rin naman ang mga taong nababanggit, kung kaya't ano pa ang silbi na pag-aralan natin sila.

Pero ang malapit na nakaraan, nakalimutan mo na rin kaya? O gusto mo na lamang talagang limutin?

Naalala mo pa ba ang Giyera sa Korea at Vietnam? Ang ekonomikal at pulitikal na krisis noong 1970's? Ang Sigwa sa Unang Kwarto? Ang libu-libong taong nasa lansangan? Ang Pambobomba sa Plaza Miranda? Ang Batas Militar? Naalala mo pa ba ang mga ito? O pilit nalang nating kinakalimutan?

Sa panahong iyan nabuhay si Ninoy - ang lalaking naalala na lamang natin ngayon bilang "nakahalumbaba sa P500" at "Ama ni Kris". 

Sa sanaysay na isinulat ni Jose Rizal sa La Solidaridad, kanyang sinabi "La muerte del Justo santificó su obra é hizo su doctrina incontrovertible." Ang pagkamatay ni Ninoy ang naglunsad sa libu-libong tao na magprotesta laban sa kalabisan ng rehimeng Marcos. Ang kanyang pagbubuwis ng buhay ang nagbigay lakas sa kanyang mga hangarin. Hindi natakot ang taong mamatay, sapagkat kasama nila si Ninoy.

Pero hindi ba mas mahalaga na maging batayan ang talambuhay ng isang di kilalang Katipunero, ng isang mamamayan na nagpahayag ng kanyang kalooban sa lansangan, ng isang taong nag-aaral tungkol sa kalagayan ng lipunan, at ng sama-samang namulat ang taong bayan sa kanilang angking kakayahan ng ipagbago ang ating bansa.

Kung hindi mo na naaalala ang mga pangyayaring iyan, o kaya ang mga nagawa ni Ninoy, kawawa naman siya. Pero sana ay huwag natin kalimutan ang dahilan kung bakit kinikilala natin ngayon si Ninoy. Ngunit, tila mas mahalaga na tunguhin natin ang isang mayamang kalipunan ng karanasan ng karaniwang mamamayan

No comments:

Custom Search